“Alam mo iyan ang buhay naming mga pulis eh, hindi nawawalan ng challenge,” ani MPD Chief Roberto Rongavilla.
“Siyempre nalulungkot po tayo pero iyan po ang risk ng trabaho natin,” sambit naman ni QCPD Chief Benjardi Mantele.
Hindi naman daw nagkukulang ang liderato ng PNP, pero may magagawa pa.
“Hindi naman nagpapabaya ang leadership natin sa iba't ibang levels ng command pero kailangan pa ring bantayan ng ating mga commanders ang ginagawa ng ating mga tao sa ibaba,” sabi ni NCRPO Chief Director Nicanor Bartolome.
Paghihigpit naman ang nakikitang solusyon ni PNP Chief Raul Bacalzo.
“Nakakalungkot na 'yung ibang 135,000 minus 14 policemen ay naapektuhan ng mga kagaguhan o maling ginawa ng mga ito,” ani Bacalzo.
Inutusan na rin ni Bacalzo ang mga regional director na ilagay sa kulungan imbes sa detention center ang mga pulis na sangkot sa kasong kriminal.
“This is to erase any suspicion we are providing special treatment to them or whitewash the investigation of the case,” dagdag pa ni Bacalzo.
Ipinatupad rin ni Bacalzo ang three-strike policy kung saan sisibakin sa puwesto ang sinumang hepe o supervisor na mahuhulihan ng 3 pasaway na tauhan.
Rerepasuhin na rin ang recruitment policy ng PNP dahil karamihan sa mga nasangkot sa krimen ay mga bagitong pulis.
Sinisisi naman ng dalawang dating opisyal ng gobyerno ang pagdami ng kaso ng pangaaubuso ng pulis sa Luneta hostage crisis kung saan maging ang mga matataas na opisyal ng Department of Interior and Local Government at PNP ay hindi nakasuhan.
Ayon kay dating National Security Adviser at DILG Undersecretary Alexander Aguirre at dating PNP Chief Ramon Montano, dapat agarang ipatupad ang command responsibility sa PNP.
Hamon ngayon sa PNP, ibalik ang tiwala na tagapagtanggol sila ng publiko at hindi ang publiko ang poprotektahan mula sa mga pulis. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino
01/05/2011 10:29 PM