Friday, December 31, 2010

747 firecracker zones sa MM

747 firecracker zones sa MM
Ni Danilo Garcia (Pilipino Star Ngayon)
Updated December 31, 2010 12:00 AM

MANILA, Philippines - May 747 “firecracker zones” ang itinatag ng National Ca­pital Regional Police Office (NCRPO) at mga lokal na pa­mahalaan sa buong Metro Manila.

Ngunit nangangamba si NCRPO Director Nicanor Bartolome na baka walang sapat na bilang ng mga ambulansya sa naturang mga firecracker zones na maghahatid sa mga biktima ng paputok sa mga pagamutan kaya patuloy ang panawagan nito sa pag-iingat sa paghawak ng anumang uri ng paputok.

“Baka di mapunuan yan kasi 747 ang firecracker zones sa Metro Manila pa lang. Ang malaking area mas mataas ang risk. Pati ambulance, yan ang sabi natin, dapat may naka­antabay kahit di one ambulance per zone, but at least accessible at makakarating kung may kailangan,” ani Bartolome.

Muli rin namang nanawagan si Bartolome sa publiko na makipagtulungan sa pulisya sa kampanya laban sa iligal na pagpapaputok ng baril ng pulis man o sibil­yan. Kailangan umano ng pulisya ng tulong ng publiko upang maparusahan ang mga lumalabag sa batas sa pamamagitan ng pagkontak sa hotline ni PNP chief, Director General Raul Bacalzo na 0917-8475757.

Sa naturang bilang ng firecracker zones, may 271 nito ang nasa lungsod ng Maynila. Nararapat umano na maluwag ang lugar, maayos ang bentilasyon, malayo sa kabahayan at may nakaantabay na trak ng bumbero at ambulansya.

Source: http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=643917&publicationSubCategoryId=93

Popular Posts