MANILA, Philippines - Inalerto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Nicanor Bartolome ang mga opisyales nito upang paigtingin ang kampanya laban sa mga sindikato ng carnapping na ngayon ay nag-iba na ng modus operandi kung saan mga car dealers na ang tinatarget.
Isang command conference ang ipinatawag ni Bartolome kamakalawa sa NCRPO Headquarters sa Bicutan, Taguig City kung saan pinulong ang mga district director at mga station commanders na dito tinalakay ang pagpapaigting ng kampanya sa naturang mga sindikato.
Ito’y makaraan ang pagkakatagpo sa bangkay ng anak ni Atty. Oliver Lozano na si Emerson Lozano, 44, sa Brgy. Macatian, Porac, Pampanga at sa bangkay ng car dealer na si Venson Evangelista.
Sinabi ni Bartolome na natagpuan sa Cabanatuan ang bangkay ni Evangelista.
Isang “special investigation task group” ang kasalukuyang inoorganisa na ng Quezon City Police District (QCPD) para tumutok sa kaso ni Evangelista tulad ng task group na nakatutok naman sa pagresolba sa kaso ni Lozano.
Isa sa tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na isang sindikato lamang ang may kagagawan ng naturang dalawang krimen dahil sa pagkakahalintulad ng modus-operandi na makikipagtransaksyon sa pagbili ng sasakyan, kunwaring magte-test drive hanggang sa dukutin na ang mga biktima.
Kasalukuyan pa umanong kinakalap ng pulisya lahat ng ebidensya upang higit na masala, makilala at masakote ang mga kriminal na nasa likod ng insidente.