Showing posts with label QCPD. Show all posts
Showing posts with label QCPD. Show all posts

Wednesday, January 19, 2011

Alarma vs carnappers na bumibiktima sa car dealers itinaas

Ni Danilo Garcia (Pilipino Star Ngayon) Updated January 19, 2011 12:00 AM

MANILA, Philippines - Inalerto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Di­rector Nicanor Bartolome ang mga opisyales nito upang pa­igtingin ang kampanya laban sa mga sindikato ng carnapping na ngayon ay nag-iba na ng modus ope­randi kung saan mga car dealers na ang tinatarget.

Isang command con­ference ang ipinatawag ni Bartolome kamakalawa sa NCRPO Headquarters sa Bicutan, Taguig City kung saan pinulong ang mga district director at mga station­ commanders na dito tinalakay ang pagpapaigting ng kampanya sa naturang mga sindikato.

Ito’y makaraan ang pagkakatagpo sa bangkay ng anak ni Atty. Oliver Lozano na si Emerson Lozano, 44, sa Brgy. Macatian, Porac, Pampanga at sa bangkay ng car dealer na si Venson Evangelista.

Sinabi ni Bartolome na na­tagpuan sa Cabanatuan ang bangkay ni Evangelista.

Isang “special investi­gation task group” ang ka­salukuyang inoorganisa na ng Quezon City Police District (QCPD) para tumutok sa kaso ni Evangelista tulad ng task group na nakatutok naman­ sa pagresolba sa kaso ni Lozano.

Isa sa tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na isang sindikato lamang ang may kagagawan ng naturang dalawang krimen dahil sa pagkakahalin­tulad ng modus-operandi na makikipagtransaksyon sa pagbili ng sasakyan, kunwaring magte-test drive hanggang sa dukutin na ang mga biktima.

Kasalukuyan pa umanong kinakalap ng pulisya lahat ng ebidensya upang higit na masala, makilala at masakote ang mga kriminal na nasa likod ng insidente.

Wednesday, January 5, 2011

PNP ipapatupad ang 3-strike policy

Muli na namang sumasangga ng batikos ang Philippine National Police dahil sa sunud-sunod na krimen na sabit mismo ang mga mamang pulis. Usap-usapan ito kanina sa Camp Bagong Diwa kung saan nagsagawa ng taunang New Year's roll call ang mga hepe sa National Capital Region.

“Alam mo iyan ang buhay naming mga pulis eh, hindi nawawalan ng challenge,” ani MPD Chief Roberto Rongavilla.

“Siyempre nalulungkot po tayo pero iyan po ang risk ng trabaho natin,” sambit naman ni QCPD Chief Benjardi Mantele.

Hindi naman daw nagkukulang ang liderato ng PNP, pero may magagawa pa.

“Hindi naman nagpapabaya ang leadership natin sa iba't ibang levels ng command pero kailangan pa ring bantayan ng ating mga commanders ang ginagawa ng ating mga tao sa ibaba,” sabi ni NCRPO Chief Director Nicanor Bartolome.

Paghihigpit naman ang nakikitang solusyon ni PNP Chief Raul Bacalzo.

“Nakakalungkot na 'yung ibang 135,000 minus 14 policemen ay naapektuhan ng mga kagaguhan o maling ginawa ng mga ito,” ani Bacalzo.

Inutusan na rin ni Bacalzo ang mga regional director na ilagay sa kulungan imbes sa detention center ang mga pulis na sangkot sa kasong kriminal.

“This is to erase any suspicion we are providing special treatment to them or whitewash the investigation of the case,” dagdag pa ni Bacalzo.

Ipinatupad rin ni Bacalzo ang three-strike policy kung saan sisibakin sa puwesto ang sinumang hepe o supervisor na mahuhulihan ng 3 pasaway na tauhan.

Rerepasuhin na rin ang recruitment policy ng PNP dahil karamihan sa mga nasangkot sa krimen ay mga bagitong pulis.

Sinisisi naman ng dalawang dating opisyal ng gobyerno ang pagdami ng kaso ng pangaaubuso ng pulis sa Luneta hostage crisis kung saan maging ang mga matataas na opisyal ng Department of Interior and Local Government at PNP ay hindi nakasuhan.

Ayon kay dating National Security Adviser at DILG Undersecretary Alexander Aguirre at dating PNP Chief Ramon Montano, dapat agarang ipatupad ang command responsibility sa PNP.

Hamon ngayon sa PNP, ibalik ang tiwala na tagapagtanggol sila ng publiko at hindi ang publiko ang poprotektahan mula sa mga pulis. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino

01/05/2011 10:29 PM

Popular Posts